Sunday, September 13, 2009

Housemates.

Simula noon, lahat ng pupwede kong gawin para magamit lamang ang utak ko sa ibang bagay ay ginawa ko na. Magbasa ng libro, magsulat, bumabad sa internet, kumain, kumain pa nang mas marami, mag-yosi, mag-kape, umalis ng bahay, hindi umalis ng bahay, matulog, kumanta, gumawa nang kanta, manuod ng TV, maligo nang mas matagal, at kung anu-ano pa. So far, medyo gumagana naman ang mga ginagawa ko.

Mayroon lang isang parte ng araw na ayaw na ayaw kong dumadating --ang gabi. Lalo na kapag tulog na ang mga tao at tahimik na ang lahat. Kapag mag-isa na lamang akong gising dahil hindi pa dinadalaw ng santong antok. Doon ramdam na ramdam kong humahapdi pa rin ang puso. Parang ginuguhitan ng blade na ginamit ng isang batang emo na pang-slash. Parang pinadaganan sa tatlong taong kasing bigat ng ref ang bawat isa. Parang may kamay sa diddib kong sinasakal na parang leeg ang muscle na pinanggagalingan ng lahat ng dugong dumadaloy sa aking katawan.

Madaya. Dahil tila lahat ng alaala nating dalawa ay iniwan mo sa akin na parang mga anak. Kung saan ako nakatira, doon din sila. Kung kumakain ako, kumakain rin sila. Hanggang sa pagtulog, pag-ihi, at kahit hanggang sa pagpapasabog ko ng demonyo sa banyo ay kasakasama ko sila.

Bawat sulok ng bahay ko ay inangkin na nila. Sa sala madalas tumambay ang alaala ng pag-awit kasama ng gitara ko, mga pasimpleng pagpapacute sa isa't isa, biruan at kulitan. Sa kusina ang mga sigaw mo habang nakikipag-buno sa mantikang tumitilamsik, ang yakap ko sayo' na nagsisilbing sandalan upang patuloy na lumaban sa katunggali sa pagpiprito ng meatloaf, at ang halakhak na kasabay ng rebelasyong hindi ka natutong gumamit ng abrilata. Sa banyo ang mga tingin sa salamin habang sabay na nag-totoothbrush, mga panggugulat,pagsasaraduhan ng pintuan at patayan ng ilaw. Sa kwarto ang palitan ng mahihigpit na mga yakap at matatamis na salita ng pag-ibig, ang initials mong isinulat pa sa pader, kilitian, harutan, mga hawak sa kamay, tampuhan at pagbabating muli. Sa buong bahay, nagkakalat ang tawanan, mga masasayang alaalang kasama ka. Nakikitira na sila sa aking inuuwian.

Hindi ko sila sinisingil ng upa sa bahay. Hindi rin kami naghahati ng bayad sa kuryente, tubig at telepono. Ang pagkain ko, walang charge rin nilang nakakain. Obligasyon ko nga ba silang buhayin? Hindi naman, pero pinipili ko ito dahil kailangan ko rin naman sila. Ebidensya sila na minsan, naging akin ang puso mo. Katibayang nagmahalan tayo. Pagpapatunay na naging parte tayo ng buhay ng isa't isa.

Paano kaya mabuhay kung pati sila mawala? Ano kayang pakiramdam ng mag-upo sa sofa nang walang maririnig na nagbubulungan ng i love you sa tabi? Paano kaya yung pagtulog ko kung wala narin kahit yung alaala ng goodnight mo sa akin? Ano kaya kung palayasin ko na silang lahat dito sa bahay ko? Kaya ko kaya? Magiging masaya kaya ako dahil sa wakas ay papatahimikin na nila ang buhay ko? O mas lalo lang akong malulungkot kasi masyadong magiging tahimik ang buhay ko?

Hay nako. Gulo ng pagkatao ko noh? Parang itong nangungulit na memory ng panunuod natin ng dvd sa laptop ko. Sandali nga muna. Balik nalang ako. Kulit eh sya daw muna ang gagamit. Geh maya nalang ulit.

5 comments:

  1. napadaan dito parekoy. di ko man masiyadong maintindihan ang pinanggagalingan mo, dig ko pa rin ang post mo.

    ReplyDelete
  2. hahaha nakakatuwa ang blog mo. i enjoy reading

    check out my site
    ice candy

    ReplyDelete
  3. salamat. titignan ko ang blogs mo in 5..4..3..2..

    ReplyDelete
  4. sa bahay ni kuya k din b nakatira...
    salamat sa pag follow...

    ReplyDelete